www.shfcph.com
Copyright©2007 Social Housing Finance Corporation
Alam ba ninyo na kayang makautang ng mga maralitang taga-lungsod para matupad ang kanilang mga pangarap na magkaroon ng sariling lupa at maayos na tahanan?

Sila ang mga benepisyaryo ng CMP, isang programang pabahay ng pamahalaan para masiguro na makikinabang ang tinatawag nating mga "informal settlers" na mapasakanila ang lupang kanilang tinitirhan. Ang pribilehiyong ito ay ipagkakaloob sa sinumang maralitang taga-lungsod sa pamamagitan ng kanilang rehistradong samahan.
 
Paraan

Maaring makautang sa CMP sa pamamagitan ng SHFC upang mabili ang lupang kinatitirikan ng iyong bahay. Puwede rin naman itong magamit sa iba't-ibang mga relocation sites, o mga lupang maaari n'yong mapaglipatan.

Di man kalakihan, maaaring makahiram ng hanggang P120,000 bawat benepisyaryo o kasapi ng samahan kung ang paggagamitan ay pambili ng bahay at lupa na nasa Metro Manila o sa iba pang mga tinatawag nating urbanisadong lugar.

Kung ang lupa naman ay nasa labas ng nasabing lugar, maaaring umutang ng 'di hihigit sa P100,000 ang bawa't kasapi o benepisyaryo. Bawa't isa ay maghuhulog buwan-buwan sa loob ng 'di hihigit sa 25 taon, ngunit ang patubo nito ay anim na porsyento lamang bawa't taon.
Bago kayo makautang, siguraduhin lamang na isang rehistradong samahang pang-nayon ang naturang asosasyon. Ito ang mangungutang at magsisilbing may-ari ng lupang bibilhin hangga't ang mga titulo ng lupa ay hindi pa naipapamahagi.

Ang karapatan ng bawa't kasapi o benepisyaryo sa lupa ay nababatay sa isang kasunduan na tinatawag na lease-purchase agreement.

Matapos maipamahagi ang kabuuang titulo ng lupa, ang titulo naman ng kanilang pag-aari ay malilipat na sa kanilang sariling pangalan. Kapag nangyari ito, nakahiwalay na rin ang inyong pananagutan sa pagbabayad ng utang mula sa kabuuang utang ng samahan o asosasyon. Mismong ang lupa na nabili at bahay na ginastusan ng pautang ang siyang magsisilbing kolateral o ika nga panagot sa utang sa CMP.

Maaaring ibigay sa tatlong bahagi ang pautang sa CMP: Pagbili ng lupa, pagsasaayos ng lugar, at/o kaya'y pagtatayo o pagsasaayos ng bahay.

Ang lupa naman ay may mga sumusunod na katangian:
•  Ang may-ari ng lupa ay pumapayag o nakikipagkasundo na ibenta ang lupa sa samahan ng "informal
   settlers;"

•  Ang lupa ay may titulo o transfer certificate of title (TCT) at walang ibang nakarehistrong pananagutan sa 
   panahon na ito ay ipapangutang sa CMP;

•  Ang klasipikasyon sa gamit ng lupa ay para sa tirahan (residential). Kung ito ay 'di pa nakarehistro bilang
   pang-tirahan, kailangan ng lilipat ng gamit nito (land conversion );

•  Nakasulat na layunin (intent to sell) ng may-ari upang ibenta ang lupa at layunin ng asosasyon o samahan
   upang bilhin ito (offer to buy);

•  May nakalaang daan (road-right-of-way) para sa lupang hindi katabi ng kalsadang pambayan (public road lot);

•  Surety bond para sa SHFC para sa nasira o nawawalang titulo habang ito ay nasa proseso ng reconstitution,
   o pagsasayos; at

•  Pagsunod sa iba pang itinadhana o probisyon ng umiiral na mga batas.